Pilipinas, kilalanin natin si Kaloy.

Dilim

Naupo si Kaloy sa sirang bangko,
Yumuko, mga mata’y sa kawalan dumako.
Mga problema’y sunud-sunod na gumapang sa pagod na utak;
Siya’y humiling: Tama na, Diyos ko, tama na.

Kanyang dugo’y animo’y nakasalang sa kalan,
Kumukulo, naghihintay ng mababanlian.
Init ng ulo’y umagos, dumaloy sa katawan;
Siya’y humiling: Tama na, Diyos ko, tama na.

Sa katanghalian siya’y nakakita ng gabi,
Masasamang ala-ala’y tila sa panahon ay pinaghabi-habi.
Tinitigan niya ang kanyang mag-inang hapong-hapo sa kanilang pamumuhay;
Siya’y humiling: Tama na, Diyos ko, tama na.

Si Kaloy ay tumindig, mata’y singkipot ng di madaan-daanang eskinita,
Sinunggaban ang anak, hinila, sinuntok, sinipa.
Asawa’y nagpawala ng luha, nagsumigaw sa pangamba;
Siya’y dumaing: Tama na, Kaloy, tama na!

 

Tara, labas tayo. Baka nariyan sa tabi-tabi si Kaloy. Baka wala siyang makuhang trabaho dahil hindi sya nakapag-aral. Baka kaya hindi siya nakapag-aral ay walang pangtustos sa kanya ang mga magulang niya. Baka kaya walang pangtustos ay nawala na ang kanilang lupang sinasaka kaya sila napadpad sa lungsod, maaring  sa Maynila. Maaaring kaya nawala ang panggastos mula sa saka ay sinamantala sila ng mga panginoong may lupa — na baka bukod sa maraming pera ay malaki rin ang impluwensiya dahil sa pangalan nito na makikita mong naka-bandera sa telebisyon, radyo, at trapal na nagsusumigaw na, “iboto mo ako, pagagaanin ko ang buhay mo.” Araw-araw, baka namumulot ng nalang ng basura si Kaloy at sa bawat mapulot niya ay hindi niya maiiwasang ihambing ang sarili dito: marumi, tinatapon, iniiwasan — walang halaga. Ngunit para kay Kaloy, kahit hindi naman ganoon ang tingin niya sa sarili, ano pa ang saysay kung siya lang ang naniniwala sa sarili niya?

Mayroong pamilya si Kaloy. Nariyan ang kanyang asawa at anak. Anong klase ng tao ang magkakagusto sa kanya? Anong kinabukasan ang maibibigay niya sa anak niya? Bakit hindi siya mapigilan ng asawa? Anong klase siyang asawa kung siya ay maluluha nalang at mapapasigaw? Ano ang bata, bilang anak, kung kaya siyang saktan ng kanyang nang walang takot kung ano ang kahahantungan nito? Anong klase ang pamilya nila?

Araw-araw binubulabog si Kaloy ng mga tanong. Simple, ngunit komplikadong sagutin. Komplikado, dahil hindi niya alam kung may mga sagot sa mga ito. Baka isang araw ay narinig niyang mayroong makakasagot sa kanyang mga tanong, makakapagpalimot sa bigat ng loob, makakapagbigay ng saya.

Saya — matagal na niyang gustong maramdaman iyon. Baka naisip naman niyang kung isang beses lang, isang singhot, wala namang masama — walang masasaktan. Araw-araw parin ang pangangailangan: pambili ng pagkain ang sana’y mairaos. Sa taong katulad ni Kaloy, mukhang mas madali pang tumawid nalang ng dagat nang walang sagwan. Araw-araw, may mga tanong na walang sagot, araw-araw may hirap ngunit walang saya.

Araw-araw, kinailangan niyang makalimot kaya araw-araw siyang sumisinghot. Ipinagbabawal? Oo. Nakakapagpagaan ng loob? Oo.

Dumating ang panahon, hindi na niya nakayanang pigilan ang sarili. Hindi sapat ang pera mula sa basura. Baka wala na rin siya sa tamang pag-iisip, kaya kahit hindi niya pag-aari, kukuhanin niya at gagawing pera. Mahika sa ating imahinasyon; realidad para kay Kaloy. “Dala ng pangangailangan.”

Isang araw, napalitan ang mga tao sa itaas ng tatsulok. Misyon nilang ubusin ang mga tulad ni Kaloy. Ang tanong, kapag ba ubos na ang mga tulad ni Kaloy, tapos na ang problema ng Pilipinas? Ang solusyon ba ay ang pagkunsinte sa mga taong ang puhunan ay baril, karton, at panulat?

Leave a comment